college

Bahay-Bahayan (2006)

3:52:00 AM

Below is the column I wrote for Katipunan Magazine, an independent student news organization I was briefly a part of when I was still in college. This is my first published piece written in my mother tongue.

Okay, my column wasn't on this issue, but I couldn't find a copy of the cover of the August 2006 issue where my column was, so I used this instead. Sorry about that.
***

Natatandaan ko pa ang unang gabi ng aking buhay kolehiyo – ang unang gabi sa dormitoryo. Habang naghihintay akong dalawin ng antok, naramdaman ko na lamang ang pagtulo ng mga luha ko. Sa kauna-unahang pagkakataon, kinailangan kong mahiwalay sa pamilyang kinagisnan ko, si Mommy, si Daddy, at si Kuya. Sanay naman akong mag-isa, sapagkat tinuruan kami ng aking kapatid na tumayo sa sarili naming mga paa. Subalit iba pa rin ang takot na naramdaman ko noong unang gabing iyon, sapagkat nawala na ang konsepto ng pamilyang aking kinatigan at pinaniwalaan sa loob ng labing-anim na taon.

Hindi madali ang maging probinsyana sa Maynila sa simula. Mawawala ka papunta sa mga lugar na alam ng halos lahat ng kaklase mo. Hindi ka sanay sa mga gimikan na pinupuntahan ng mga taong makikilala mo. Minsan, magugulat ka sa damit at sa pananalita ng mga taong nakapaligid sayo. Para kang bumalik sa nursery – lahat sayo, bago. May mga nakakatakot, may mga nakakatuwa; pero lahat, iba. Kahit McDo o Jollibee dito, parang iba ang lasa.

Nasa ikaapat at huling taon na ako ng pag-aaral sa Ateneo. Masasabi kong sanay na sanay na ako sa buhay dito. Subalit sa kabila nito, muli na naman akong nakararamdam ng takot. Ito ang parehong takot na naramdaman ko noong unang gabi ko sa isang bahay kung saan wala sa kabilang kwarto ang aking ina. Hindi ako natatakot na makatapos at magsimulang magtrabaho. Natatakot lamang akong isipin na sa ikalawang pagkakataon, kailangan kong iwan ang pamilyang nakagisnan ko.

Sa loob ng halos apat na taon, napakaraming nagbago, at isa na rito ang konsepto ko ng pamilya. Dati, ang tanging pamilya ko ay ang aking mga magulang at kapatid. Tama pa rin naman ang konseptong iyon kung tutuusin; sino pa nga ba ang mga tunay na kadugo ko bukod sa kanila? Sino pa nga ba ang nakakakilala sa akin tulad nila? Wala na nga.

Subalit hindi lamang sila ang maituturing na pamilya, sapagkat ang ibig sabihin naman ng pamilya ay isang lipon ng mga taong nagbibigayan kahit minsa’y nagpapatayan, at nagkakasundo kahit minsa’y nagkakaawayan rin. Higit sa lahat, nagmamahalan ang mga tao sa isang pamilya. Ang mga kaibigan ko ang nagbigay sa akin ng bagong konsepto ng pamilya, at ng bagong pamilya na rin mismo. Hindi upang palitan ang nauna nang nariyan, at hindi rin naman para lamang punan ang isang pagkukulang. Nariyan sila dahil nariyan sila – hindi na kailangan ng anumang paliwanag.

Nakalipas na ang panahon ng paglalaro nang walang pakialam sa mundo. Matatanda na tayo para sa patintero o sa piko. Hindi na rin naaayon sa atin ang jackstone at lutu-lutuan. Pero pwede pa naman tayo magbahay-bahayan – kasama ng isang bagong pamilya. At sa pagkakataong ito, tayo na mismo ang magtatayo ng isang tahanan.

isawisay

You Might Also Like

0 thoughts

Hello, reader! Thank you for wasting your time reading my blog. I do hope you enjoyed whatever you stumbled upon. :)